24.5.07

Mga Labi ng Ubas

"Mga labi ng ubas," bulong ko sa kanya. "Ang mga labi mo ay labi ng ubas... sa gabi, tila hinog sa kabilugan ng buwan, natitikman ko ang kanyang katamisan." Ilang niyang inilag ang kanyang mga mata sa ilaw ng lampara. Hinayaang matakpan ng anino ng kanyang mabigat na hininga. "Ngunit sa araw, napaka-asim... na tila hilaw pa ang bunga."

"Di ko sinasadya" sambit ng mga labi ng ubas. "di ko ginugustong makalimutan... ngunit di ko maalala." mahina niyang pinagtanggol ang sarili. "di ko malaman-laman kung bakit."

"Mmmm..." pilit ko'ng pinigilan ang mga luha na silang nagtutulakan sa likod ng aking mga mata. ngunit napansin niya ang ilan sa kanila na sumisilip sa ilalim ng maiitim ko'ng pilik-mata. "Pangako, bukas, maalala ko na."

"Gabi-gabi mo'ng pangako, araw-araw mo'ng kinakalimutan," pilit ko'ng sinabi sa gitna ng matamlay na ngiti.

"Oo," wala na siyang ibang masabi pa. "Oo."

Sabay naming minasid ang mga nagsasayawang dahon sa labas ng bintana. "Naririnig nila ang harana ng mga anghel ni Bathala," sabi ko sa kanya.

"Hindi, wala silang mga kaluluwa. Ang kanta ng mga tala lamang ang dinig nila," sagot niya.

"Wala nga silang kaluluwa... ngunit may puso sila."

Lumapit siya sa 'kin. "Nais na kitang hawakan"

"Di mo pa sa'kin nasabi iyan. Ni isang beses noon, di pa."

"Sinasabi ko na ngayon... at yan ang katotohanan."

"Kung bukas, maalala mo lang sana- 'Mga labi ng ubas,' utang na loob, huwag mo'ng kakalimutan."

"Araw-araw, pilit ko'ng inaalala ang aapat na salitang makakapagpaalala sa 'kin sa iyo ngunit-"

"Hindi. Wag mo'ng sabihin. Wag mo'ng hayaang patayin ng mapagkunwaring katotohanan ang iyong imahinasyon, ang iyong alaala."

"Mga labi ng ubas," pasigaw niyang itinapon sa malamig na hangin ng gabi. Sabay naming inihiling sa mga anito ng kalikasan na hindi pa lumisan ang hangi'ng iyon sa kanyang paggising.

*********************************************

Ilang gabi na kaming nagkikita. Nagtatagpo sa panaginip. Minsan, kapag kami'y magkasama na, may mag bibiyak ng katahimikan sa labas at 'di man namin gustuhin, magigising kami. Dahan-dahan na nami'ng naiintindihan at natatanggap ang kalagayan ng aming pagkakaibigan. Nakasanayan na namin ang pagtatapos ng aming pagsama sabay ng pag biak ng katahimikan sa umaga.

Mataas na ang araw. Iniakyat ko sa noo ang aking kamay upang itago sa init ng araw ang aking mga mata. 'saka ko siya nakita, naglalakad palapit sa 'kin. umupo siya sa bandang kanan ko.

"Kilala kita," sabi ko sa kanya. "Minsan na tayo'ng nagkakilala."

"Di kita maalala," sagot niya. "Di kita kilala."

Hinanap ko siya sa kanyang mga mata... ngunit tila wala itong mga diwa. walang mga laman. kitang-kita ko siya ngunit tama siya, "Di nga kita kilala. Pasensya ka na." ang sabi ko, sabay tayo.

Dinampot ko ang aking mga libro at nilisan ang lugar... ngunit siya, di ko iniwan. Dala-dala ko ang kanyang alaala sa 'king paggunita. Sa aking paglakad, taimtim ko'ng ipinangako ang paghahanap sa kanya sa reyalidad.

Nilapitan ko ang unang-unang puno na aking nakita. Gamit ang aking bolpen, paulit-ulit ko'ng ikinahig sa makapal na kahoy, Mga Labi ng...

Ubas, bulong ng hangin. Naramdaman ko'ng tumayo ang balahibo sa 'king batok. At nang tumalikod ako, ako'y sinalubong ng kanyang mga mata.

"Mga labi ng ubas," bulong niya.

No comments: